Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka naman
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ko
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas, samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Cling:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyop
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento